112

Oct 14, 2019 @ 22:18
By

Libro ng mga kooperatiba pinabubusisi sa BIR

Pinabubusisi sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang mga libro ng halos 30,000 na kooperatiba sa bansa at tanggalin ang mga umaabuso sa mga insentibo nito sa ilalim ng batas.

Ayon sa Department of Finance (DOF), 474 na kooperatiba na ang pinadalhan ng BIR ng audit notice para singilin ng P1.62 bilyong buwis pero P250.35 milyon pa lang ang nakokolekta nitong bayad.

Sa ulat ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa sa DOF executive committee meeting, may 29,623 na kooperatiba na P3 bilyon ang kabuuang buwis na ibinayad nung 2017 ngunit bumagsak ito ng 5% sa P2.8 billion nung 2018.

Dahil dito, inutusan ni Dominguez ang BIR na bantayan ang mga kooperatiba para malaman kung alin sa mga ito ang nagsusulong ng adhikaing tulungan ang mga miyembro nitong makatayo sa sarili nilang mga paa para magkaroon ng kabuhayan at makatulong sa isa’t isa at kung alin ang tinayo lamang para makalibre sa buwis.

Ayon kay Guballa, may mga kooperatiba silang nakita na negosyo talaga ang pakay at nagtayo lamang ng kooperatiba para malibre sa buwis tulad ng ilang mga gasolinahan.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law na naging epektibo nung 2018, obligado na ang mga kooperatibang magsumite sa Cooperative Development Authority (CDA) ng mga ulat tungkol sa mga insentibo sa buwis na kanilang ginagamit.

Dapat namang magsumite ang CDA ng report sa BIR na ipapasa naman ito sa DOF.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?