100

Sep 23, 2019 @ 15:44
By

Libreng WiFi sa San Juan

Pormal nang nagpirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) ang San Juan City at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa ‘free wifi for all’ sa buong lungsod.

Nabatid na ginanap sa city hall ang pirmahan ng MOA nina San Juan Mayor Francis Zamora at DICT Secretary Gregorio Honasan dakong alas-12:45 ng hapon para sa kanilang “free wifi for all” at instalasyon ng mga free internet hotspots sa mga pampublikong lugar sa lungsod.

Ang naturang MOA signing activities sa San Juan City Hall nitong Lunes, na sinaksihan din ni San Juan City Rep. Ramon Zamora, ay sinundan pa ng ceremonial switching ng wifi signal.

Nabatid na ang San Juan ang pilot city sa Pilipinas ng “free wifi for all program” ng DICT, kung saan, lahat ng 21 barangays ng lungsod ay magkakaroon na ng wifi zones sa mga pampubliko nitong lugar gaya ng city hall, barangay halls, barangay multi-purpose halls, barangay basketball courts, public schools, San Juan Medical Center, San Juan Public Market, police stations at iba pang public areas, kabilang yaong sakop ng radius ng access points na naglalabas ng wifi signal.

Kaugnay nito, nagpapasalamat naman si Zamora sa DICT dahil sa naturang proyekto, na kaakibat ng kanilang Smart City Program.

Matatandaang kabilang sa mga ipinangako ni Zamora sa mga residente ng San Juan noong nakalipas na kampanya ay ang paglalagay ng mga free wifi zones sa buong lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?