By

Libreng tuition, Wi-Fi sa SUCs sa 2018 national budget version ng Senado

Sharing is caring!

Garantisado nang may pondo ang libreng pag-aaral sa state universities and colleges (SUCs) at maging sa local universities and colleges (LUCs) sa susunod na taon.

Ayon kay Sen. Loren Legarda, chairman ng Senate committee on finance, sa kanilang inaprubahan na panukalang pambansang badyet para sa 2018, nakapaloob ang P51 bilyon para sa SUCs at LUCs.

“Ngayong 2017, naging libre ang tuition sa SUCs dahil nahanapan natin ng pondo, sa susunod na school year libre na rin sa mga LUCs,” ayon sa senadora.

Dinagdagan pa aniya ito ng P327 milyon para magkaroon ng libreng Wi-Fi sa mga ito gayundin sa mga pampublikong lugar.

Bukod pa ang P10 milyon para sa capital outlay ng bawat SUCs.

Sinabi ni Legarda na ito ay pagpapahalaga ng gobyerno sa edukasyon na dapat ding pahalagahan ng mga mag-aaral.

Samantala, binigyan din ang Commission on Higher Education (CHED) ng P250 milyon para magbigay ng scholarship sa mga kukuha ng medisina.

Tataasan naman ang cash allowance ng mga guro sa mga public school — mula P2,500 tungong P5,000.

Sa Konstitusyon, nakatadhana na kauna-unahang prayoridad sa paglalaan ng badyet ang edukasyon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?