19

Sep 15, 2021 @ 16:02
By

Libreng sakay walang pondo sa 2022

Walang inilaang pondo ang gobyerno sa susunod na taon para maipagpatuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang Service Contracting Program (SCP) na nagbibigay ng libreng sakay sa publiko.

Sa deliberasyon ng budget ngayong Miyerkoles, nagtanong si House Committee on Transportation chairperson at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento kaugnay ng pondo ng SCP ng ahensya.

Sinabi ni Transportation Undersecretary Giovanni Lopez na humingi ang ahensya ng P10 bilyon para sa 2022 subalit hindi ito pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM).

“Hindi po naisama sa NEP (National Expenditure Program) namin,” sabi ni Lopez.

Sa ilalim ng SCP, kinokontrata ng gobyerno ang mga driver ng public utility vehicle (PUV) upang bumiyahe at magbigay ng libreng sakay sa mga piling ruta. Ang bayad sa kanila ay depende sa haba ng biyahe.

“I would strongly manifest for this committee to assist the DOTr, the LTFRB (Land Transportation and Franchising Regulatory Board) na mapag-aralan ulit ‘yung budget at bigyan natin,” sabi ni Sarmiento.

Ngayong taon, ang DOTr ay mayroong P3 bilyon para sa naturang programa.

Inirekomenda naman ni Sarmiento sa komite na bigyan ng P3 bilyon ang DOTr para maipagpatuloy ang SCP sa susunod na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?