29

Sep 12, 2021 @ 19:24
By

Libreng sakay lalarga ulit

Muling aandar ang libreng sakay para sa mga medical frontliner, essential worker at authorized persons outside of residence simula Lunes, Setyembre 13.

Ito ay dulot ng pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng Service Contracting Program ng pamahalaan.

“Ginagawa po natin ang mga ito dahil ang Kagawaran ng Transportasyon ay naniniwala na hindi lamang pang-hanapbuhay ng tsuper at operator — ito po ay kaakibat sa paghahanap-buhay ng iba pa nating kababayan sa Republika ng Pilipinas,” pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Kapalit ng bayad ng mga pasahero, ang mga tsuper at operator ng public utility vehicle ay kikita mula sa ibibigay ng pamahalaan.

Nakadepende rin ang bayad sa bilang ng kanilang biyahe kada-linggo at hindi na pagbabatayan pa ang bilang ng kanilang pasahero.

Ang pondo rito, na nagkakahalaga ng P3 bilyon ay kinuha sa 2021 General Appropriations Act para sa 2021.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?