31

Jan 3, 2022 @ 17:31

Libreng sakay ibalik, jeep gamitin na rin – Ping

Ngayong ibinalik ang ‘Alert Level 3’ sa Metro Manila dahil sa banta ng pagtaas ng bilang ng mga panibagong kaso ng COVID-19, hinikayat ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang national government na ibalik ang ‘Libreng Sakay’ program kung saan mga public utility jeepney (PUJ) naman ang magbibigay ng serbisyo.

Ito ay kasunod ng kautusang ipinalabas ng Department of Transportation (DOTr) na muling maghihigpit sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon, kabilang ang pagpapanatili ng passenger capacity hanggang 70 porsyento lamang sa lahat ng linya ng mga tren.

Inaalala ng batikang mambabatas na ngayon ay kumakandidato bilang pangulo na baka muli na namang lumikha ng abala sa mga mananakay ang mga polisiyang ito na magpapabagal sa kanilang galaw bunsod ng tumataas na bilang ng mga apektado ng COVID-19.

Unang binanggit ni Lacson ang pagtapik sa mga tsuper ng jeep para sa programang ‘Libreng Sakay’ ng gobyerno nang makipagpulong siya sa mga miyembro ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) Calabarzon chapter sa Lipa City, Batangas Oktubre noong nakaraang taon.

Ayon sa mga transport leader na nakausap ni Lacson, nakaapekto sa kita ng mga traditional jeepney driver ang ipinatupad na programa dahil mas pinipili ng mga pasahero na sumakay sa mga pampublikong bus at modernong jeepney na kinontrata para sa nasabing programa.

“‘Yung libreng sakay ng bus, na sabi niyo nga lalong nagpapahirap sa jeepney kasi walang sasakay [dahil] sa libreng sakay, bakit hindi gamitin ‘yung libreng sakay sa jeepney na i-su-subsidize ng gobyerno?” ani Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na posible ang pagsama ng mga traditional jeepney sa ‘Libreng Sakay’ program dahil naglaan sila ng P5.58-bilyong badyet para matulungan ang mga mahihirap na pamilya, kabilang na ang mga public utility vehicle (PUV) driver, sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan II.

Inilunsad ang ‘Libreng Sakay’ program sa ilalim ng Bayanihan II para matulungan ang mga healthcare worker at iba pang manggagawa o authorized persons outside of residences (APOR).

Meron itong P3-bilyong badyet na nagbigay-daan para maituloy ang programa kahit pa nag-expire na ang Bayanihan II noong Hunyo 30. Sabi pa ni Lacson, maaaring bumuo ang DOTr ng kaparehong programa gamit ang hindi nagamit na pondo ng gobyerno para maibalik ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?