47

Dec 30, 2017 @ 16:05
By

Libreng MRT-3 ride ng commuters, muntik maperwisyo

Hindi ito fake news! Nasa 200 pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang muling nakaranas ng aberya ng tren matapos masiraan sa northbound ng Magallanes Station bandang alas-6:07 kaninang umaga.

Ang rason ng pamunuan ng MRT, electrical failure ng motor ng tren at patuloy na technical problem na palagi namang sinasabi kaya napupundi na ang mga commuter na walang magawa kundi sumunod na lang.

Ayon kay Maricel Matic, sales coordinator ng Quezon City, wala lang umanong choice kaya sa MRT siya sumasakay kahit na alam niyang palaging nagkakaroon ng aberya. “Nakakatakot na ngang sumakay ng MRT, baka bumigay lalo na kung rush hours grabe, siksikan talaga.”

Paliwanag pa ng MRT, isa sa mga dahilan ng aberya ay ang lumang sub-components o mga lumang parte ng electrical system ng tren na kailangan nang palitan.

Nakasakay naman ang mga pasahero sa sumunod na tren ngunit tila nagbabanta ring bumigay dahil sa pahinto-hinto nito.

Samantala, sa kabila ng pagkairita ng mga commuters ng MRT, nasiyahan naman ang mangilan-ngilan dahil sa libreng sakay nito dahil sa pagdiriwang ng Rizal Day.

Bandang alas-siyete hanggang alas-nuwebe ng umaga at alas-singko hanggang alas-siyete ng gabi ay may libreng sakay ang mga pasahero sa MRT. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?