123

Apr 1, 2019 @ 16:25
By

Libreng internet sa mga terminal, malapit nang maging batas

Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan upang maging ganap na batas ang panukala na nagmamandato sa mga transport terminal na magkaroon ng libreng internet services at malinis na comfort rooms para sa mga commuter.

Ito’y makaraang mai-transmit na sa Malakanyang ang Senate Bill 1749, o “An Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll-On/Roll-Off Terminals,” noong Marso 21.

Kung hindi aaksyunan ng Pangulo sa loob ng 30 araw ay magiging ganap na itong batas.

Umaasa naman si Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services at principal author ng panukala, na lalagdaan ito ng Pangulong dahil maraming estudyante ang makikinabang dito.

Alinsunod sa panukala, ang lahat ng uri ng transportasyon at roll-on/roll-off terminals sa buong bansa ay dapat magkaroon ng malinis na palikuran at free internet access.

Mayroon din dapat na lactating stations para sa breastfeeding mothers.

“This is especially important for Filipinos who travel for more than eight hours,” dagdag ng senadora.

Ipinagbabawal naman sa panukala ang paniningil sa paggamit ng mga palikuran habang inaatasan din ang Department of Information and Communications Technology katuwang ang Department of Transportation at iba pang na magbigay ng free internet access sa mga terminal.

Ang mga owner, operator, o administrator ng land transport terminals, stations, stops, rest areas at RORO terminals na hindi makakatugon sa standards ng sanitary facilities ay papatawan ng multang P5,000 kada araw ng paglabag at dagdag na P5,000 kada araw sa mga nangongolekta ng bayad sa mga CR.

Kaparehong multa rin ang ipapataw sa kabiguang maglaan ng breastfeeding stations.

Nasa Malakanyang na rin ang Senate Bill 1597 o ang panukala na nagpapalawig ng 20-percent student fare discount sa lahat ng uri ng transportasyon.

Sasaklawin na sa panukala ni Senador Sonny Angara ang mga eroplano at barko at inaasahan ng mambabatas na malalagdaan upang magamit ng mga estudyante bago ang pagbabalik nila sa kanilang tahanan matapos ang bakasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?