25

By

Libreng health service sa nabakunahan ng Dengvaxia, inapela

Sharing is caring!

Nanawagan ang Coalition for People’s Right to Health (CPRH) sa gobyerno na bigyan ng pang-habambuhay na libreng serbisyo sa kalusugan ang lahat ng mga nabakunahan ng Dengvaxia lalo pa’t karamihan sa kanila ay mga mahihirap.

Ayon kay Dr. Eleanor Jara, co-convenor ng CPRH, batay sa kanilang pakikipag-usap sa ilang magulang ng mga batang nabakunahan, hindi naman naipaliwanag sa kanila kung ano ang magiging side effect ng gamot.

Dahil marami umano sa mga magulang ay atubili na makumpleto ang bakuna sa kanilang anak na nakatakda sa Pebrero ng susunod taon, sinabi ni Jara na mahalagang maglunsad ang gobyerno ng kampanya para maipaliwanag nang husto sa publiko ang isyu, pati na ang mga sintomas na dapat nilang bantayan sa kanilang mga anak.

“Given the propensity of this, the government and Sanofi should exhaust all resources to educate the public on what to watch out for.

They should likewise provide free health services to all affected especially since most of the families of these children are poor,” saad ni Jara.

Umapela rin si Jara sa mga medical expert at sa publiko na igiit ang independiyenteng pagsisiyasat sa anti-dengue immunization program ng gobyerno na hindi malabong isipin na pinagkakitaan dahil ang halagang inilaan para rito na P3.5 bilyon ay katumbas na halos ng kabuuang vaccination program ng Department of Health para sa taong 2016.

Mahalaga aniya na matiyak na mapapanagot ang Sanofi at ang lahat ng mga dati at kasalukuyang opisyal sa gobyerno na nakipagsabwatan para sa pagpaplano at pagpapatupad ng nasabing vaccination program.

Ang CPRH na inilunsad noong 2016 ay binubuo ng mga service oriented group, mga non-government organization, academic institution, religious group at patient’s organization. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?