376

Nov 3, 2017 @ 15:14

Libreng gamot para sa mahihirap, popondohan ng tax reform

Isinusulong sa Senado ang pagpapalawak ng free medicines program ng gobyerno para sa mahihirap na pamilya.

Ayon kay Senador Sonny Angara, padaragdagan ang mga ospital na maaring mamigay ng libreng gamot sa mahihirap na pasyente.

Popondohan ito ng isinusulong na Senate Bill 1592 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o ang tax reform bill.

Si Angara ang chairman ng Senate committee on ways and means at nagdedepensa sa Senado ng tax reform bill na ipinamamadali ni Pangulong Duterte.

“Poor Filipinos still face the problem of limited access to low-cost, safe, and quality essential medicines. It is our duty to make essential health services available to all Filipinos, giving priority to the needs of underprivileged patients,” ayon kay Angara.

Sa ngayon, labing-isang (11) ospital ang katuwang ng Department of Social welfare and Development (DSWD) sa proyekto nito na Libreng Gamot Para sa Masa Program (Lingap) kung saan binibigyan ng libreng gamot ang mahihirap na pasyente.

Ang mga ito ay ang Philippine General Hospital, Jose Reyes Memorial Hospital, East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Hospital, at San Lazaro Hospital sa NCR; Jose B. Lingad Memorial Hospital sa San Fernando, Pampanga; Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City, Southern Philippines Medical Center sa Davao City, at Davao Regional Hospital sa Tagum City.

Sinabi ng DSWD na nasa 13,000 mahihirap na pasyente na ang nakinabang sa program.

“Layon nating mas marami pa sa ating mahihirap na kababayan ang makinabang sa libreng gamot,” pahayag ni Angara.

Tinukoy nito ang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) na nagsasaad na madaling magagamot ang karamihan ng mga sakit na pangunahing dahilan ng kamatayan sa mahihirap na bansa. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?