6

By

Libreng bakuna kontra tigdas, inilunsad ng DOH

Sharing is caring!

Sa layuning mapigilan ang pagkalat ng tigdas, inilunsad ngayong araw ng Department of Health (DOH) ang kampanyang “Ligtas Tigdas”.

Sakop ng libreng bakuna ang mga sanggol at bata na may edad anim na buwan hanggang 59 na buwan.

Kaugnay nito, maglulunsad din ang DOH ng National Measles Supplemental Immunization Activity sa Abril 25 hanggang Mayo 25 sa National Capital Region at Mayo 9 hanggang Hunyo 8 sa Mindanao.

Ayon sa DOH, ang bakuna ay subok nang pinakamabisang paraan para labanan ang tigdas.

Katunayan, nang maglunsad ang DOH ng huling measles mass immunization noong 2014, nagresulta ito sa malaking pagbaba sa bilang ng mga kaso ng tigdas.

Gayunman, muling nagsimula ang pagkalat ng sakit sa huling bahagi ng 2017 na humantong pa sa outbreak.

Sa taong ito, nakapagtala na ng outbreak ang DOH sa Taguig City, Zamboanga at Davao.

Sa tala ng Epidemiology Bureau, mula Enero 1 hanggang Marso 26, 2018, mayroon nang 4,168 na kaso ng tigdas.

Mula sa nasabing bilang, 723 ang laboratory confirmed measles kung saan 13 ang nasawi.

Karamihan sa mga kumpirmadong kaso ay mula sa Regions 9, 10, 11, 12 at ARMM.

Bagama’t nagpatupad na umano ang DOH ng Outbreak Response Immunization sa mga apektadong lalawigan, nagpapatuloy pa rin ang pagkalat ng naturang sakit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?