47

Jul 30, 2018 @ 18:46
By

LGUs na makupad sa class suspensions, parurusahan – Año

Pinag-iisipan ngayon ni Department of Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo Año ang pagpataw ng disciplinary actions laban sa tamad na local government units (LGUs) na mabibigong maglabas ng class suspension sa tamang oras sa panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Año na siya ring chairperson ng kanilang Local Disaster Risk Reduction And Management Councils (LDRRMC), ang mga opisyal na tamad gumising para ihayag ang suspensyon ng klase kahit pa nagdeklara na ang PAGASA ng warning signals ay maaaring patawan ng gross neglect of duty.

“Ang mabagal na paghahayag ng suspensyon ng klase ay puwedeng magdulot ng panganib sa mga estudyante na bumibiyahe kung panahon ng kalamidad,” paliwanag pa nito.

“Inilalagay natin ang mga bata sa alanganin sa tuwing naaantala ang ating deklarasyon. Hindi natin dapat hintayin na tumaas muna ang tubig-baha at maging kritikal bago maglabas ng pahayag,” dagdag nito.

Noong nakaraang linggo, nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon ang mga bagyo na nagpalakas sa habagat na dahilan para isailalim ang ilan sa mga lugar na ito sa state of calamity.

Nito lamang Hulyo, apat na tropical cyclones na ang pumasok sa bansa kabilang na ang Bagyong Gardo (Maria), Tropical Storm Henry (Son-Tinh), Severe Tropical Storm Inday (Ampil) at Tropical Depression Josie.

Para magkaroon ng mas malinaw na pagtaya sa panahon, sinabi nito na ang mga lokal na opisyal ay maaari ring ikunsidera ang color-coded rainfall advisories na ibinibigay ng state bureau hango mula sa signal warnings. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?