36

Nov 6, 2017 @ 18:06
By

LGUs hinikayat na isailalim sa kontrol ng Comelec

Hinikayat ng isang kongresista ang Philippine National Police (PNP) at ang Department of Interior and Local Government (DILG) na irekomenda sa Commission on Elections (Comelec) ang mga lokal na pamahalaan na dapat isailalim sa kontrol ng komisyon dahil sa mga kaguluhan na may kinalaman sa iligal na droga at “narcopolitics”.

Sinabi ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy, chairman ng House Committee on Public Information, na maging ang mga lugar na magugulo at may mga banta sa seguridad ay dapat ding ipailalim sa kontrol ng Comelec.

Sa panig ng Comelec, ipaaalam naman nito sa mga barangay, bayan, siyudad o lalawigan na ilalagay ang kanilang lugar sa Comelec control.

Ang nasabing hakbang ay para ma-preempt ang anumang banta sa peace and order ng isang lugar at makapagsalba ng buhay.

Binanggit ni Herrera-Dy na ito ang dahilan kung bakit nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections para magkaroon ng sapat na panahon ang gobyerno na tugunan ang drug problem sa barangay level.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?