28

Sep 15, 2021 @ 18:17
By

LGU na bahala sa liquor ban sa alert level 4 – Lopez

Nasa pagpapasya na ng mga alkalde sa Metro Manila kung magpapatupad ng liquor ban sa ilalim ng alert level 4 system sa implementasyon ng bagong sistema sa paglaban sa COVID-19.

Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na hindi na ang Inter- Agency Task Force ang magtatakda kung ang isang lugar ay pagbabawalan ang pagbebenta ng alak o hindi.

“Iba-ibang LGU ang nagpapairal ng liquor ban. Depende sa LGU kahit aning level, nasa kanila po yung pag-announce diyan,” ani Lopez.

Ang mga local executive na aniya ang bahalang magdetermina kung magluluwag para sa mga manginginom na matagal-tagal ng nagtiis sa kanilang bisyo.

“Parang curfew, sila din ang nag-announce na 10 o’clock na hindi na 8 o’ clock. Sila sila ang nag-aanounce po nung liquor ban at curfew,” dagdag ni Lopez.

Umaasa ang DTI na magiging positibo ang pilot implementation ng bagong polisiya para magtuloy-tuloy na ang pagbubukas ng mga negosyo at ekonomiya sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?