35

Mar 6, 2020 @ 10:31
By

LGBTQ partner pwedeng maging insurance beneficiary

Pwede nang italaga ang mga partner ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer community bilang benepisyaryo ng kanilang insurance plan, ayon sa Insurance Commission (IC).

Ito, kahit pa hindi pa ginagawang legal ang same-sex marriage sa predominantly-Catholic na Pilipinas.

Sinabi ito ng Komisyon sa isang legal opinion na inisyu sa University of the Philippines College of Law’s Gender Law and Policy Program, ayon sa ulat ng Philstar.

“The [IC] affirms your position that the insured who secures a life insurance policy on his or her own life may designate any individual as beneficiary,” tugon ng IC para kay Professor Leo Battad, program director ng naturang programa.

Hiningi ni Battad ang opinyon ng Komisyon ukol sa karapatan ng isang insured person na magtalaga ng benepisyaryo, sa partikular, ang karapatan ng LGBTQ+ individuals na hiranging benepisyaryo ang kanilang partner.

Pwede rin, ani Funa, na magamit ng LGBTQ+ community itong legal opinion ng IC sakaling tumanggi ang insurance agent na hiranging insurance beneficiary ang kanilang partner.

Sinabi ni Insurance Commissioner Dennis Funa na may ilang exception sa kung sinong pwedeng inomina bilang insurance beneficiary. Gayunman, wala naman ditong may kinalaman sa gender, kundi upang mapigil ang ilang kasong kriminal gaya ng bribery (panunuhol) o fraud (panloloko).

Sumang-ayon din ang Department of Justice sa opinyon ng IC.

“I see no good reason why partners of the LGBTQIs should be disallowed from being insurance beneficiaries,” wika ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa Philstar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?