38
Letran-Manila, Durham sampa sa Fantastic 8
By ,

Letran-Manila, Durham sampa sa Fantastic 8

Nasungkit ng Letran-Manila at Durham Crossover Toronto ang unang ticket sa Fantastic 8 ng Division 1 ng Chooks-to-Go NBTC League National Finals ngayong Miyerkoles sa Mall of Asia Arena.

Binuksan ng 8-seed na Squires ang ikatlong araw ng national championships nang manakaw nito ang 60-57 na panalo kontra 9-seed Hope Christian School matapos nitong bumalikwas pabalik sa 12-point first half deficit.

Nanguna sa pagbabalik ng tropa si John Tabajen na tumapos ng double-double na 12 puntos at 12 rebounds habang bumandera naman sa Letran si Andrei Romenez na may 14 na puntos at tatlong rebounds, may 13 puntos at 12 boards si CJ Saure at may 10 puntos at 16 na rebounds naman si Shawn Umali.

Malaking pagkatalo ito para sa Soldiers na nawala sa kanilang linya matapos mapituhan ng kanyang ikalawang unsporstsmanlike foul, may tatlong minuto ang natitira sa laro.

Nakapasok naman ang Durhan Crossover sa una nitong Fantastic 8 berth matapos nitong pabagsakin ang 26-seed Sta. Clarita International – Iloilo, 109-75, sa pangunguna ni Tyler Garcia na may 32 puntos at may 17 puntos at pitong rebounds si Marc Casilla.

Sa Palm Coast Marina naman ay pinadapa ng Sto. Domingo National High School-Legazpi ang Narvacan National High School-Candon, 72-62 habang pinabagsak ng First City Providential College-Bulacan ang University of San Jose-Recoletos-Cebu, 75-50 para makalusot sa Fantastic 8 ng Division 2.

Nanguna para sa Legazpi si Medwin Ariate na may 15 puntos at siyam na rebounds habang si Neil Moralejo naman bumandera sa FCPC na may 19 puntos, pitong assists at rebounds at si Theo Pablico na may 15 puntos at si John Bravo ay may 12 puntos.

Maghaharap ngayong alas-dos ng hapon sa Mall of Asia ang NU-Manila at Calayan Educational Foundation na susundan ng 3:30 PM na bakbakan ng Mapua-Manila at FEU Manila at sa inaabangang labanan ng Ateneo ni Kai Sotto at FilAm Sports-USA ni Jalen Green bandang 5 PM.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?