121

Sep 22, 2019 @ 19:37
By

‘Lethal injection’ hatol sa 2K baboy sa Payatas

Aabot sa 2,000 baboy ang papatayin sa pamamagitan ng ‘lethal injection’ bilang bahagi ng “1-7-10” protocol makaraang mag-positibo sa African Swine Fever (ASF) ang blood samples ng mga baboy sa Barangay Payatas, Quezon City (QC).

Nitong araw ng Linggo, Setyembre 22, 2019, ay sinimulan na ang ‘culling operation’ sa Payatas, subalit hindi pinayagan ang mga mamamahayag na saksihan ang pagpatay sa mga baboy sa pamamagitan ng lethal injection.

Bumuo ng limang team na may tig-pitong miyembro ang nasabing barangay upang tulungan ang QC Veterinary Office sa gagawing culling operations.

“Mas maraming reports of deaths sa Barangay Payatas, kasi yung kaning-baboy ay nanggagaling sa kanila, sa segregation area. Kaya importante na ma-contain na ang sakit para ‘di na kumalat pa,” ayon kay QC Mayor Joy Belmonte.

Aniya, bilang standard protocol sa pagkakaroon ng ‘animal disease outbreak,’ ang mga baboy na nasa infected zones (Oriole Extension at Area 5) o nasa 1-kilometro radius ay awtomatikong ipapapatay.

Sinabi rin ni Belmonte na aabot sa P10-milyon ang inilaan para sa financial assistance sa mga apektadong nag-aalaga ng babuyan na ipagkakaloob sa maapektuhang piggery owners bilang ‘financial aid’ at livelihood assistance.

Nag-alok ang QC nang P3,000 kada baboy na isusurender para sa ‘culling,’ pero giit ng hog raisers, sobrang lugi sila rito dahil biik lamang ang katumbas na presyo noon, at kapag malaki na ay pumapatak na ang halaga nito sa P8,000 hanggang P14,000.

Una nang nagsagawa ng pagpatay ng mga baboy sa Barangay Bagong Silangan sa dalawang lugar nito, sa Sitio Veterans Area 5 at Oriole, na natukoy bilang ground zeroes sa ASF.

Nabatid na nitong Sabado ay may 20 baboy ang inulat na namatay sa naturang barangay at maging ang mga residente ay nagulat sa nabalitaan.

“Massive ‘yung mortality rate. Masyadong mabilis. ‘Di namin akalain na ganun kabilis magiging epekto. Wednesday lang kami nag-report, until now may mga nagre-report na dumudugo ang tenga ng baboy nila, mahina na,” saad ni Florante Clarita, barangay administrator ng Barangay Payatas sa isang panayam.

Hanggang sa oras ng pagsulat ng balitang ito ay wala pang binibigay na bilang ang pamahalaang lokal ng QC kung ilan na ang mga baboy na sumailalim sa lethal injection.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?