112

Oct 7, 2021 @ 14:33
By

‘Let Leni Lead’ – De Lima

Ito ang reaksyon ni Senadora de Lima sa pagdeklara ni VP Leni Robredo ng kanyang pagtakbo bilang Pangulo, at dahil natapos na ang matagal na agam-agam ng ilan na baka walang malakas na pambato ang oposisyon.

“Ang desisyon ni VP Leni ay simula ng pag-asa at pag-asam ng marami para sa isang mabuting liderato sa susunod na anim na taon,” sabi ni De Lima sa isang statement.

“It has to be Leni. It can only be Leni,” dagdag pa nito.

Ayon kay De Lima, kailangan magkaroon ng maayos na pamamahala sa gobyerno nitong nagdaang halos kalahating dekada, na-mismanage umano ni Duterte at kanyang mga kasama ang gobyerno at ang ekonomiya.

“Pinakyaw na ata ni Duterte at tropa nya ang lahat ng pwedeng gawing masama sa pamamahala. Mabuti na lang may matinong alternatibo tayo. Mabuti na lang may Leni Robredo,” sabi ni De Lima.

“Si VP Leni ay may tapang, galing, sipag at pagkalinga sa kapwa, sa bansa at sa Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan ng ating lipunan,” wika pa nito.

Samantala, sinabi ni Senador Francis Pangilinan, na buong-buo niyang sinusuportahan ang pagtakbo ni Robredo sa pagkapangulo ng Pilipinas.

“We, the Filipino people, deserve only the best. Tayong mga Pilipino, kailangan da best ang mga pinuno,” ani Pangilinan.

“Saan ka pa? Walang masyadong pondo, pero umaapaw na tulong at gawa, lalo na ngayong pandemya. Sabi ni Leni, sama-sama tayong tumaya sa laban na ito. Tumataya tayo dahil ang laban ni Leni, laban ko, laban nating lahat,” saad pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?