21

By

Lending company, nilimas ng ‘Spider Gang’

Sharing is caring!

Nilooban ng mga miyembro ng tinagurian ng pulisya na ‘Spider Gang’ ang establisimiyento na nagpapautang ng mga motorsiklo kung saan daang libong pera kasama ang iba pang mga kagamitan ang nakulimbat ng mga ito sa lungsod ng Navotas, Lunes ng umaga.

Sa ulat ng Navotas Police, alas-9:30 ng umaga nang dumating sa tanggapan ng Sebastian Motocycle Lending na matatagpuan sa M. Naval St., C4 Road, Barangay Bagumbayan North, ang branch manager na si Marife Maqui, 38, ayon sa may-ari ng establisimiyento na si Carlo Gatpayat, 35.

Laking gulat nito nang makitang wasak na ang kisame at bubungang bahagi ng opisina.

Mabilis niyang sinabi kay Gatpayat ang insidente na siya namang humingi ng saklolo sa pulisya.

Matapos ang imbentaryo, nabatid na tinatayang nasa P104,875 cash; isang computer CPU, isang CCTV box at isang CCTV monitor na may halagang P30,000 ang natangay ng mga suspek.

Agad namang kumuha ng fingerprints sa lugar ang mga tauhan ng SOCO upang magamit sa pagtukoy sa mga salarin.

Ayon sa pulisya, planado umano ang nangyaring pagnanakaw at sinadyang kunin ang CCTV upang mahirapan ang pulisya na makilala ang mga salarin. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?