177

Oct 5, 2017 @ 15:18

Legit recruitment agency lang kasama sa job fair – DOLE

Dapat munang kumuha ng permit mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga lisensyadong overseas recruitment agency na gustong sumali sa mga job fair.

Ayon kay Labor Undersecretary at POEA officer-in-charge Bernard Olalia, ito ay para matiyak na pawang mga lehitimong recruitment agency lamang ang makakalahok sa mga job fair, at para makumpirma rin na lehitimo ang mga iniaalok nilang job order.

Paglilinaw ni Olalia, ang permit o Job Fair Authority (JFA) na kukunin ay hiwalay pa sa lisensya na kinukuha ng mga recruitment agency para makapagpadala ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

“Ito ay isang pag-iingat upang tiyakin na ang lahat ng agency na sumasali sa job fairs ng DOLE ay lehitimo, at may tamang dokumento at lisensiya,” paliwanag ni Olalia.

 Kamakailan lamang, nagpalabas si Olalia ng Memorandum Circular No. 05 na nagtatakda na obligadong kumuha muna ng permit ang mga recruitment agency para makasali sa mga job fair.

Ang aplikasyon para sa JFA ay maaring iproseso sa POEA Central Office, Regional Offices, o sa alinmang Regional Extension Unit (REU) kung anong lugar ang nasasakupan ng gaganaping job fair.

Para mga rekisito para sa aplikasyon ay ang mga sumusunod: letter of intent na sila ay lalahok sa job fair, kasama ang kopya ng invitation letter mula sa nag-organisa o nag-sponsor ng aktibidad; DOLE permit/clearance, at listahan ng accredited principal/approved job order/manpower request na may job order balance (para sa land-based agencies).

Kinakailangan ding isumite ang accreditation certificate (para sa sea-based agencies), at pagpapahayag na inaaako ng agency ang responsibilidad sa anumang gawain ng kanilang kinatawang opisyal at empleyado, at/o employer o ng kanilang awtorisadong kinatawan.(Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?