124

Jan 25, 2019 @ 17:22

Legalisasyon ng habal-habal, itinutulak ni Recto

Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na gawing legal ang pamamasada ng mga motorsiklo.

Karaniwan itong tinatawag na habal-habal at Angkas sa ride-sharing app.

Ayon kay Recto, ito ang maituturing na pinakamura at pinakamabilis na paraan ng pagbiyahe ngayong laging masikip ang trapiko sa mga lansangan at kapos ang mga public transport system.

Magiging malaking tulong na rin umano sa dumaraming bumibilo ng motorsiklo.

Sa kaniyang Senate Bill 2173, papayagan na pumasada ang mga motorsiklo na may 125 cc at kayang tumakbo sa bilis na 50-kilometro kada oras.

Tatakdaan ito ng speed limit at aatasan na magkaroon ng insurance para sa pasahero.

Isasailalim ito sa regulasyon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Recto, aamyendahan ng kaniyang panukala ang Republic Act 4136 o Land Transportation Traffic Code para mapayagan ang mga habal-habal.

Magiging malaking tulong umano ito sa mga pasahero gayundin sa dumaraming motorcycle rider.

Sa ngayon, 6 sa 10 sasakyan sa bansa ay motorsiklo at tricycle.

May 3.48 milyon ang rehistradong motorsiklo sa bansa nung 2018 at tinatayang umabot ito sa 7.5 milyon nung naaraang taon.

“The Philippines is having more new motorbikes than new babies annually,” sabi ni Recto. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?