176

Dec 12, 2017 @ 16:44
By

Legacy ni Bato ang pagbalik ng tiwala ng tao sa mga pulis

Ipinagmalaki ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sa kanyang panunungkulan ay nailapit niya sa masa ang PNP.

Ito ay sa kabila ng kinakaharap na isyu ng Pambansang Pulisya patungkol sa umano’y extrajudicial killings sa bansa dahil sa war on drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Dela Rosa, naibalik na para sa kanya ang tiwala ng tao sa mga pulis.

Dahil ito sa ginagawa niyang pakikisalamuha sa mga ordinaryong tao na hindi aniya nagagawa ng mga nakalipas na PNP chief.

“Ako as far as I concerned naibalik ko ang PNP to the ground to the people, to the masses na ‘yung tao nagtitiwala sa kanyang pulis dahil nakita nila well lahat ng pulis they are looking for leadership by example, nakikita nila PNP chief nila bumababa ground, nakikipagsalamuha sa mga ordinaryong tao so napalapit ang tao sa PNP,” sabi ni Dela Rosa.

Sinabi pa ng hepe, ito ang maiiwan niyang legacy o pamana sa kanyang pagreretiro sa serbisyo.

Sa Enero 21, 2018 ay magreretiro na sa serbisyo si Dela Rosa para sa mandatory retirement age na 56 years old. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?