453

By

LeBron, Lakers laglag na sa playoffs

Winalis sa playoff contention ng Brooklyn Nets ang Los Angeles Lakers sa bisa ng 111-106 panalo Biyernes ng gabi (Sabado sa Pinas).

Bumuslo ng 26 points si Joe Harris habang umayuda ng 21 points at 13 assists si D’Angelo Russell para tuluyang tuldukan ang kampanya ng Lakers at ni LeBron James ngayong season.

Lalo namang napalakas ng Nets ang tsansa nila sa playoff sa ikalawa na nilang sunod na panalo.

Ikapito sa Eastern Conference standings ang Brooklyn, kalahating laro lang na naiiwan sa sixth-place na Detroit.

Naaksaya naman ang ipinundar ni JaVale McGee na 33 points, 20 rebounds at six blocked shots para sa LA.

Anim na sunod na season nang hindi nakakapasok sa playoffs ang Los Angeles sa kabila na nasa roster na nila si James, na tumapos lang ng 25 points, 14 assists at nine rebounds.

Ito naman ang unang pagkakataon na hindi nakapasok sa NBA playoffs si James sa nakalipas na 14 na taon.

Naiiwan ng tatlong puntos sa huling minuto ang Lakers pero nagka-turnover si James at nagmintis ng 3-pointer sa papatapos na segundo ng laro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?