218

Feb 10, 2018 @ 15:35

LeBron-Korver duo kinatay ang Hawks

Anim na players ang pinamigay ng Cleveland sa NBA trade deadline nitong Huwebes, ang apat na kapalit ay hindi pa nabibigyan ng clearance para lumaro.

Kulang sa pamalit, binalikat nina LeBron James at Kyle Korver ang Cavaliers para ihatid sa 123-107 panalo kontra binisitang Atlanta, Biyernes ng gabi.

Kumayod ng triple-double na 22 points, 17 assists at 12 rebounds si James, umiskor ng 30 si Korver kabilang ang apat na sunod na 3 para isara ang third quarter.

Mahigit kalahati ng 31 assists ng Cleveland ay pinakawalan ni James.

Galing kay LeBron ang back-to-back feeds na nagresulta sa dalawang sunod na 3s ni Korver para ilayo ang Cavs 91-80 sa dulo ng third.

Pagkatapos ng timeout, nagdagdag ng isa pang 3 si Korver, para pabukahin sa 14 ang lamang. Nang makakuha ng basket ang Hawks ay ibinaon niya ang buzzer-beater na pang-apat.

Laban sa kanyang dating team ay 7 of 13 mula sa labas ng arc si Korver.

“I don’t know the last time I shot that many shots in a game,” bulalas ni Korver.

Kabilang sa pinakawalan ng Cavs sina Isaiah Thomas at Dwyane Wade. Pinamigay sa Lakers si Thomas kapalit nina Jordan Clarkson at Larry Nance Jr., balik ng Miami si Wade.

Kasama sa biyahe ng Cavs sina Clarkson, Nance at dalawa pang bagong saltang sina George Hill at Rodney Hood pero nasa locker room lang. (VE)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?