103

Dec 12, 2017 @ 18:53

LeBron, Curry mapapanood nang personal ng mga Pinoy – Angara

Nagpahayag ng kagalakan si Samahan ng Basketbol ng Pilipinas (SBP) Chairman Sonny Angara sa pagkakasungkit ng Pilipinas sa pagkakataong maging host sa FIBA World Cup sa taong 2023.

“Binabati natin si G. Manny V. Pangilinan na dating pangulo at chairman emeritus ng SBP dahil nagbunga ang kanyang pagsisikap at ibinuhos niya ang lahat ng kanyang kakayahan para mabuo ang isang basketball Renaissance ng Pilipinas,” ani Sen. Angara kahapon.

“Sa dalawang grupo na gustong mag-host, tayo ang nakakopo. Kumbaga, naka-three-point shot siya,” hirit ng mambabatas.

“Sigurado tayo, marami sa mga kababayan natin ang excited nang mapanood sa personal ang mga paborito nilang Amerikanong basketbolista tulad nina Lebron James o Stephen Curry na maglalaro rito mismo sa bansa natin,” dagdag pa ng senador.

Ang 2023 FIBA World Cup hosting ang ikalawang pagkakataon na magsisilbing punung-abala sa torneong ito ang Pilipinas tapos noong 1978.

“Sa ilalim ng SBP at sa liderato ni MVP, nasungkit natin ang ating kauna-unahang World Cup noong 2013 sa Seville kontra Senegal. Hindi biro ang FIBA World Cup dahil masasabi nating ibang lebel ito ng pandaigdigang basketball. At dahil dito gagawin ang susunod na laban, malaking karangalan ito dahil bilyong mamamayan sa buong mundo ang makapanonood nito,” dugtong ni Angara.

Dahil dito, sinabi ni Angara na “ito ang pagkakataon para ipakita natin sa buong daigdig na liban sa galing ng Pinoy sa larong basketball, tayo rin ang pinaka-hospitable na lahi sa globo. Kilala tayong mga Pinoy na napakagalang at mapagbigay sa mga bisita.”

Umaasa rin ang senador na dahil anim na taon pa ang hinihintay ng bansa para rito, nasa maayos na estado na ang trapiko sa bansa, at may maayos na serbisyo sa transportasyon.

“Napakalaking pagkakataon ito para maipakita natin sa buong mundo ang ganda ng Pilipinas pero sana, unahin ng gobyernong ayusin ang mga kalye, trapiko at higit sa lahat, siguruhin ang seguridad at proteksyon ng mga bisita. Isulong natin ang turismo ng Pilipinas,” wakas niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?