19

Jan 9, 2022 @ 14:41
By

Learning Recovery isinusulong ni Gatchalian

Matapos mag babala ng Department of Finance (DOF) na magdudulot ng “economic scarring” o pinsala sa ekonomiya ang kawalan ng face-to-face classes, isinusulong naman ni Senador Win Gatchalian ang remedial program sa buong bansa upang paigtingin ang muling pagbangon ng sektor ng edukasyon.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355, isinusulong ni Gatchalian ang mga tutorial sessions para sa mga mag-aaral na nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science.

Layunin ng panukalang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL na tutukan ang mga most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10 at Science para sa Grades 3 hanggang 10.

Nakasaad din sa panukala na tutukan ang Reading o Pagbasa upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.

Para naman sa mga mag-aaral sa Kindergarten, numeracy at literacy ang bibigyan ng prayoridad. Layon ng panukalang programa na tulungan ang mga mag-aaral na hindi nag-enroll noong School Year (SY) 2020-2021.

Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na kailangang humanap ang gobyerno ng paraan upang mabawi ang mga nawalang araw na walang klase dahil sa pandemya.

Sabi pa ng kalimhim, makakaapekto ang kawalan ng face-to-face classes sa kalidad ng edukasyon at sa kakayahan ng mga kabataang magkaroon ng maayos na hanapbuhay.

Tinataya ng National Economic and Development Authority na dahil sa mahigit isang taong walang face-to-face classes, P11 trilyon ang mawawala sa bansa sa susunod na apatnapung taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?