22

Nov 22, 2021 @ 17:34

Leadership by example: Lacson-Sotto nanguna sa drug test

Pinatunayan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na seryoso sila sa pangako na magiging ehemplo ng maayos na opisyal ng gobyerno, nang boluntaryo silang sumailalim sa drug examination, Lunes (Nobyembre 22).

Pumunta ang tandem sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Diliman, Quezon City bandang alas-1:00 ng hapon para sa unscheduled screening ng kanilang urine sample. Sinabi ni Lacson, ito ang kanilang desisyon na magpa-drug test ay paraan nila para gawin kung ano kanilang sinasabi at hindi satsat lamang.

“Wala nang maraming salita, pumunta na lang kami rito…” pahayag ni Lacson sa mga mamamahayag na agad nagtungo sa PDEA office pagkatapos makuha ang drug test nila ni Sotto.

“At least, informed ang electorate kung sino ang iboboto nila, alam nilang talagang hindi gumamit ng droga,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Lacson na walang special treatment sa kanila ni Sotto, at sumailalim sila sa buong proseso tulad ng mga ordinaryong indibidwal na dumaan sa standard pre-employment physical assessment. Aniya, mahigpit pa silang binantayan ng doktor sa pagkuha ng kanilang urine sample.

“Very tedious saka metikuloso. Hanggang sa pagwiwi namin, nakabantay ‘yung doktor sa amin, ayaw ipasara ‘yung pintuan,” lahad ni Lacson.

Sina Lacson at Sotto ang unang tandem na kandidato na tumanggap ng hamon para sumailalim sila sa random drug test, bilang bahagi ng kanilang aplikasyon para maging susunod na presidente at bise presidente ng bansa.

“It is very important that a leader is not an illegal drug user. Paano ka magiging matinong lider kung gumagamit ka, gumagawa ka ng iligal?” patanong na hamon ni Sotto.

Kung matatandaan, sa kanilang ‘Online Kumustahan’ event sa Mexico, Pampanga noong Oktubre 29, 2021, agad sumagot ng ‘oo’ ang mga batikang mambabatas nang matanong sila ng mga mamamahayag kung payag ba silang sumailalim sa boluntaryong drug testing.

“Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakatikim ng droga kaya call kaagad ako doon sa panawagan na magpa-drug test,” sinabi ni Lacson.

Mismong si Lacson pa ang nagsabi na gawing random ang testing para masiguro na walang manipulasyon sa resulta nito. Ito ang dahilan ng hindi planadong pagbisita nina Lacson at Sotto sa PDEA office nitong Lunes ng hapon.

Sinabi naman ni Sotto na noon pa mang mga nakaraang panahon ng eleksyon, boluntaryo na siyang sumasailalim sa drug testing kapag nagpa-file ng certificate of candidacy batay sa kanyang kagustuhan bilang siya ang pangunahing may-akda ng 2002 Dangerous Drugs Act.

Paliwanag ng Senate President, nilagay niya sa probisyon ng batas na ito na ang bawat indibidwal na magnanais na makapasok sa pampublikong opisina, pambansa man o lokal na posisyon, ay nangangailangan na sumailalim sa random drug testing. Gayunman, ibinasura ng Supreme Court ang probisyong ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?