94

Nov 5, 2017 @ 13:30

Lawyers ng Aegis Juris puwedeng makulong sa Senado

Pinahaharap ng Senadp pagdinig bukas (Nobyembre 6) ang mga abogadong kasapi ng Aegis Juris fraternity na umano’y nagsabwatan para pagtakpan ang nag-hazing at posiblemg nakapatay kay UST law student Horacio “Atio” Castillo III.

Kabilang sila sa 31 pinadalhan ng subpoena ng Senate committee on public order na pinamumunuan ni Lacson.

Nakuha ang kanilang pangalan sa Facebook chat group ng fraternity members.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, miyembro ng komite, kapag hindi sumipot ang mga abogado, maari silang ipa-contempt at ipakulong ng Senado.

Sabi pa ng senador, maari naman silang magsangkalan ng kanilang mga karapatan gaya ng right against self-incrimination kapag tinanong ng mga senador pero hindi umano sa lahat ng pagkakataon ay maari silang payagan.

“Subpoena ang ipinadala sa kanila. Talagang mapipilitang umattend. Kung hindi, matutulad sila kay Balag,” ani Gatchalian.

Tinutukoy ni Gatchalian si Alvin Balag, ang presidente ng Aegis Juris na ikinulong sa Senado matapos ma-contempt dahil sa hindi pagsagot sa tanong ng mga senador.

Samantala, hinikayat ni Gatchalian si Balag na kumanta na ukol sa naging papel nito na sa hazing.

Pinatutularan kay Balag si Marc Anthony Ventura, ang frat member na nagsalaysay ng hazing rites kay Atio at nasa ilalim ngayon ng Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ). (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?