91

Feb 17, 2021 @ 13:18
By

Late sa bakuna, ‘blessing in disguise’ daw? Malaking kagaguhan – Miro Quimbo

Hindi nakapagtimpi si dating Marikina congressman Miro Quimbo sa mga nagsasabing ‘blessing in disguise’ umano ang delay sa pagkuha ng COVID-19 vaccine ng Pilipinas.

Nilarawan ni Quimbo na isang ‘malaking kagaguhan’ ang naturang reaksyon ng ilang opisyal lalo’t aniya, buhay ang pinag-uusapan.

“How could that be a blessing in disguise? When everyday you have 80 people dying sa ating bayan,” saad ni Quimbo sa ‘Balitaan at Kumustahan’ ng Politiko Live.

Matatandaan na dating sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na posibleng ‘blessing in disguise’ ang delay sa vaccine rollout para matuto ang Pilipinas sa vaccination program ng ibang bansang naunang magkaroon ng bakuna.

Sa dating panayam din kay National Task Force on COVID-19 spokesperson Restituto Padilla, sinabi rin nito na posibleng nakaganda pa ang pagkuha ng late ng bakuna.

Giit naman ni Quimbo, dapat nagkaroon agad ng bakuna ang Pilipinas lalo’t sumablay ang pagtugon ng gobyerno sa pagkalat ng COVID-19.

“Kahit pa gaano ka-defective, kahit pa gaano ka-ineffective ‘yan [bakuna], mas mabuti pa rin yung may bakuna kaysa wala, dahil sa bigat ng danyos na dinadala sa atin ng COVID-19 pandemic,” aniya pa.

Punto pa ni Quimbo, hindi tuluyang makapagbukas ang ekonomiya dahil takot pa rin ang mga tao na lumabas dahil wala pang panangga kontra sa virus.

“Isang malaking kalokohan ‘yung ganong klaseng pagdadahilan, kundi palusot na lang,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?