78
saksak
Oct 16, 2017 @ 18:25

Lasenggong stepson, tinarakan ng ama-amahan

Sinaksak at napatay ng ama-amahan ang kanyang stepson matapos na maingayan at maalimpungatan sa mahimbing na pagkakatulog nang dumating ang huli sa bahay na lasing na lasing kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Donald Rubio Real, 46, may-asawa, construction worker, residente ng No. 78 Lydia St., Brgy. Sta Monica, Novaliches, na namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng malalim na saksak sa kanang dibdib.

Agad namang sumuko ang suspek na si Pablito Recto Rico, 64, stepfather ng biktima matapos ang pananaksak.

Kasalukuyang nakapiit si Rico sa detention cell ng Novaliches Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.

Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-10:00 ng gabi sa loob ng tahanan ng mag-ama.

Dumating umano ang biktima na lasing na lasing at nagwawala. Dahil doon ay nagising ang suspek at nagtalo ang dalawa hanggang sa humantong sa pananaksak ni Rico sa kanyang anak-anakan. (Dolly Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?