46

Sep 20, 2021 @ 17:48
By

Lao: Pagbili ng PPE pwede ‘wag idaan sa bidding sa Bayanihan 1

Ang Senado at Kamara de Representantes umano ang nagbigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag idaan sa public bidding ang pagbili ng facemasks at personal protective equipment (PPE) nang aprubahan ng mga mambabatas ang Bayanihan 1 law.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Lunes, tinanong ni Deputy Speaker at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta si dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao, ang dating head ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) kaugnay ng procurement process sa Bayanihan 1.

Sinabi ni Lao na sa ilalim ng Bayanihan 1 ay pinapayagan na huwag nang idaan ang pagbili ng mga kinakailangang medical supply sa public bidding upang agad na makakuha ng suplay na mahalaga sa pagtugon sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Tinanong ni Marcoleta si Lao kung tinangka nitong ipaliwanag sa mga senador ang batas gaya ng pagpapaliwanag nito sa mga kongresista.

“Actually Mr. Chairman since day one of the Senate investigation I was already stressing the fact that we (PS-DBM) are operating under Bayanihan 1 which allows us to make contracts… just to make sure that we are able to get the items on hand because of the dire emergency,” sabi ni Lao.

Upang masiguro na lehitimo ang kompanya na kanilang katransaksyon, sinabi ni Lao na hiningian nila ang mga ito ng income tax return (ITR), Omnibus Board Statement, at mayor’s permit.

Bilang tugon sa tanong ni Marcoleta, sinabi ni Lao tinangka nitong paliwanagan ang mga senador pero pinuputol umano ang kanyang pagsagot.

“I tried to answer it that way however when I go to the point of finishing I am being cut off. That’s the problem so I really apologize that sometimes I get emotional because out of frustration that I am asked to tell the truth however when we are going to the point of truth we are being obstructed,” sabi ni Lao.

Dagdag pa ni Lao: “Actually in the middle when I was explaining I was told not to lecture and I was called arrogant Mr. Chairman.”

Ipinaliwanag din ni Lao na maraming kompanya ang nagbibigay ng offer sa PS-DBM pero karamihan sa mga ito ay walang hawak na suplay at oorder pa lang kapag natuloy na ang transaksyon.

Iba umano ang kaso ng Pharmally Pharmaceutical Corp., na mayroon nagsabi sa sulat na mayroon itong hawak na medical supply.

Humingi umano ng patunay si Lao sa Pharmally na mayroon itong hawak na supply noong Setyembre 24, 2020.

Pagpasok umano niya noong Setyembre 26, 2020 ay nasa tanggapan na ng PS-DBM ang suplay. Na-deliver umano ito pagkatapos ng office hours noong Setyembre 25.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?