0
views

By

Landbank hugas-kamay sa naunsiyaming gas discount cards

Sharing is caring!

DUMISTANSIYA ang Land Bank of the Philippines sa pagkakaudlot ng pamamahagi ng fuel discount cards sa mga lehitimong jeepney operators ngayon araw.

Itinuro ni Land Bank President Alex Buenaventura ang Department of Transportation na siyang nagdesisyon na ipagpaliban ang pamamahagi ng Pantawid Pasada cards.

Paliwanag nito, nagbago ang isip ang DOTr at sa halip na buwanan ang pagbibigay ng fuel subsidy ay nais nila na isang bagsakan na lang ito ng P5,000 hanggang sa Disyembre.

Dagdag pa ni Buenaventura kailangan pa ng dagdag panahon para mapondohan pa ang mga discount cards sa katuwiran na ang hawak nilang pondo ay para pang-isang buwan lang na tulong.

Nakatakdang mamahagi ng fuel discount cards ang gobyerno sa may 178,000 lehitimong jeepney operators sa buong bansa alinsunod sa nakasaad sa TRAIN Law.

Ang duda naman ng ilang transport groups ay pampa-pogi lang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 23.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?