335

Sep 16, 2021 @ 20:00
By

Landbank dinagsa ng reklamo

Dinagsa ng reklamo sa social media at maging sa tawag sa telepono ang Land bank of the Philippines dahil sa ilang araw nang pagiging offline.

Hindi makapag-withdraw sa mga automated teller machine (ATM) ang karamihan sa mga may account sa Landbank dahil naka-offline ito at naitaon pa na panahon ng suweldo ng mga kawani ng gobyerno.

Maging ang mga malalaking grupo o asosasyon na mayroong account sa Landbank ay nagrereklamo rin dahil walang lumalabas na pera sa mga ATM para mag-withdraw sana ng sahod o kaya ay kanilang pensiyon.

Ayon sa isang empleyado ng Landbank na nasa isang sangay malapit sa Malacañang, mayroong ginagawang system upgrade ang bangko at tatlong araw nang offline ang serbisyo nito.

Mismong mga kawani ng bangko ay hindi rin nakasahod dahil sa aberya at ayon sa isang empleyado na tumangging magpakilala, inabot na sila ng madaling-araw para mag-upload ng mga tansaksiyon.

Humingi naman ng paumanhin ang Landbank dahil sa ginagawa umanong emergency maintenance subalit hindi masabi kung kailan maaayos ang problema.

“#LANDBANKClientAdvisory: We apologize for the inconvenience. LANDBANK ATMs and e-banking channels are temporarily unavailable until further notice due to emergency maintenance activities.
Thank you for bearing with us as we improve our systems to serve you better,” anang abiso ng bangko.

Mahaba ang pila sa mga ATM ng bangko sa buong maghapon subalit lahat ay bigong makapag-withdraw ng kanilang pera na karamihan ay mga empleyado at kawani ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga retiradong pulis at sundalo na kukuha sana ng kanilang buwanang pensiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?