5,796

Mar 5, 2020 @ 19:51

Land grabbing modus ng Metro Pacific-MVP sa Cavite, nabuking!

Nabuking ang umano’y land grabbing modus ng Metro Pacific Investments Corporation sa bayan ng Alfonso, Cavite para mapaspasan ang paglalatag ng plano para sa ‘unsolicited’ na P22-bilyong Cavite-Tagatay-Batangas Expressway (CTBex) kahit hindi pa ito aprubado ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Batay sa mga sumbong na nakalap ng Abante, nagsasagawa na umano ng geo-tagging ang mga kawani ng Metro Pacific ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan gamit sa ilang kabahayan sa Brgy. Sulsugin at Brgy. Luksuhin sa nasabing bayan kahit pa hindi pa aprubado ng Malacañang ang 50.4-kilometrong CTBex project.

Ang nagsasagawa umano ng geo-tagging sa mga kabahayan sa nasabing lugar ay ang third party contractor nito na Ecosys Corp Inc. sa pangununa ng project coordinator nitong Lean Ramilo at CTBex-EIA team leader Ronnie Manipol.

Angal ng mga residente ng Alfonso, pinapalabas umano ng grupo ng CTBex-Ecosys na final at executory na ang nasabing proyekto sa mga residenteng nakatira sa mga lupain na posibleng madaanan ng nasabing proyekto.

Ayon sa dalawang residente ng Brgy. Sulsugin na nakiusap na huwag munang pangalanan dahil sa kaba, pilit ipinamumukha ng CTBex-Ecosys na bibilihin na ng gobyerno ang kanilang mga lupain kahit pa man hindi pa pasado sa NEDA ang proyekto ng kumpanya ni Pangilinan.

Amoy tuloy ng mga residenteng posibleng maapektuhan ay tinatangka ng kamkamin ng Pangilinan group ang kanilang mga kabahayan dahil sa mga geo-tag na idinikit dito.

“Wala na itong pinagkaiba sa land grabbing. Hindi pa naman pala aprubado bakit pinamumukha na sa amin na wala na kaming magagawa,” giit ng isa sa mga residente.

Mahigit sa 21 malalaking kabahayan ang posibleng tamaan ng CTBex project kung ito’y papasa sa standards ng NEDA, bukod pa ang mga nalalawakang lupain sa mga nasabing barangay.

Hindi pa nabanggit sa mga tatamaan ang mga residenteng nakatira pito pang Barangay sa Alfonso, at maging ang mga lugar sa Tagaytay City, at bayan ng Silang, at sa bayan ng Tuy at Nasugbu sa Batangas kung saan magtatapos ang nasabi proyekto

Hinala ng mga nagsumbong, pinapamukha ng mga alipores ng Metro Pacific na pinal na ang CTBex project upang makamkam agad nila ang mga lupain na na gustong daan ng nasabing proyekto at mapadali ang pag-apruba nito sa Malacañang dahil kaunti na lamang ang right of way acquisition na gagawin nito kung sakaling makuha ng Pangilinan group ang mga nasabing lupain.

Dismayado na naman ang mga nasabing residente ng Alfonso sa alkalde nito na si Mayor Randy Salamat at tila ba inetsapwera na sila nito sa paniwalang government-sanctioned ang CTBex project kahit wala pang NEDA approval.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?