186

Oct 30, 2019 @ 14:23
By

Lamay inararo ng trak, 3 patay, 9 sugatan

Tatlo ang patay habang siyam ang malubhang nasugatan nang araruhin ng rumaragasang truck ang isang lamayan sa gilid ng national highway sa Barangay San Jose, Alitagtag, Batangas, Miyerkules ng madaling araw.

Mabilis umano ang takbo ng trak at nawalan ng kontrol ang drayber nang mag-overtake ito sa isa pang sasakyan kaya nasagasaan ang mga taong naglalamay.

Dineklarang dead on arrival sa Polymedic Hospital sa bayan ng Taal ang dalawa sa mga biktima na sina Armando Atienza at Michael Adaya.

Kasama ring sinugod sa nasabing ospital ang 10 nasugatan na sina Joseph Esguerra, Joel Bejasa, Ruel Ylagan, Lionel Ylagan, Ligaya De Guzman, Jesser Lou De Leon, Cedrick Johnsen Quitain, Nolie Saga, Joel Patulot, at Arsenio Vergara.

Pero ayon kay PCPT Eduardo Timbol II, hepe ng Alitagtag police, isa sa mga nasaktan ang pumanaw na rin sa pagamutan habang ang iba ay nanatili sa kritikal na kalagayan.

Nangyari aniya ang insidente mag-aala una ng madaling araw, Oktubre 30, 2019, nang ang Mitsubishi Canter truck na kargado ng mga feed at minamaneho ni Jearland del Mundo ay araruhin ang mga biktima habang ang mga ito ay nasa gilid ng highway sa labas ng bahay na may pinaglalamayan.

Nasagasaan muna ng trak ang mga nakaparadang motorsiklo bago ito tumagilid sa shoulder ng highway.

Tumakas naman si Del Mundo matapos ang insidente at ngayon ay pinaghahanap na ng mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?