63

Jul 30, 2018 @ 13:17
By

Lalaking nangulimbat sa surplus shop, huli sa Mandaluyong

Arestado ang isang lalaki matapos mahuling nagsisilid ng mga gamit sa loob ng isang surplus house sa Mandaluyong City kahapon.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nahaharap sa kasong theft/shoplifting ang suspek na si Marlo Formoso, 37, residente ng nabanggit na siyudad.

Nabuking ang pangungulimbat ng suspek bandang alas-4:20 ng hapon sa loob ng HMR Phils. Store na matatagpuan sa Reliance corner Pioneer St., Barangay Highway Hills, Mandaluyong City.

Napansin umano ng security guard ang kahina-hinalang kilos ng suspek kaya palihim na sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makita na nagsisilid ng ilang gamit sa panindang surplus sa loob ng kanyang bag.

Nakumpiska mula sa suspek ang mga surplus na gamit na nagkakahalaga ng P7,038 matapos hanapan ng resibo subalit walang maipakita kaya agad na dinala sa Mandaluyong police station para sampahan ng kaukulang kaso.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Mandaluyong detention cell. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?