83

Sep 28, 2019 @ 15:05
By

Lalaking nag-amok, nanaga tumba sa pulis

Dead on arrival sa pagamutan ang isang lalaki nang mabaril ng isang pulis matapos managa sa Pasig City.

Batay sa report mula kay Eastern Police District Director PBGen. Johnson Almazan, nakilala ang nasawing suspek na si Rowel Burlas, 41.

Ayon kay PCol. Moises Vilaceran, hepe ng Pasig Police, nagresponde ang mga tauhan ng Pasig Police sa natanggap na tawag kaugnay sa isang lalaki na nagwawala at may hawak na patalim.

Agad na nagresponde ang mga pulis sa Pinalad Road Centenial 2, Barangay Pinagbuhatan bandang alas-6:30 ng Setyembre 27 at naaktuhan ang suspek na tinututukan ng patalim ang kanyang misis na si Emily Burlas.

Nang makita ng suspek ang mga paparating na pulis ay agad naman itong tumakbo patungong talipapa at nakadampot ng isang bolo mula sa isang nagtitinda ng buko at agad na inatake ang nagrespondeng pulis na si Pat. Victor Mang-oasan.

Mapalad at nakasuot ng helmet ang pulis kaya hindi nasugatan pero inatake pa rin siya ng suspek kaya pinaputukan na si Burlas ni PCpl. Niel Bantule.

Natamaan sa katawan ang suspek na agad namang dinala ng mga pulis sa Rizal Medical Center subalit dead on arrival na ito nang dumating sa pagamutan.

Samantala, dinala din sa Pasig City General Hospital ang dalawang biktima na sina Mary Grace Cerilo at Mario Galecia, kapwa nasa lugar ng pinangyarihan, na natamaan ng ligaw na bala sa paa at baba.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Pasig Police kaugnay sa pagbaril ni Bantule para iligtas ang kabaro na si Mang-oasan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?