83
dead-man
By

Lalaking nag-amok at nag-hostage sa Paranaque, binaril ng mga pulis, patay

Sharing is caring!

Patay ang lalaking nag-amok at nang-hostage sa San Dionisio, Paranaque City habang tatlo ang sugatan kabilang ang live-in partner nito.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Paranaque ang hostage-taker na si Celso Fernandez na kinailangang barilin ng mga pulis dahil hindi naawat sa pananaksak at pangho-hostage sa kaniyang pamilya habang nasa kanilang bahay sa Lim Compound, Baranggay San Dionisio.

Patuloy namang ginagamot sa Community Hospital ng baranggay ang tatlong nagtamo ng mga sugat matapos pagsasaksakin ni Fernandez.

Ito ay sina Roma Tubania, live-in partner ng napatay na suspek, Rose Ann Dela Cruz na kapatid ni Tubania at Jerwin Ursal, 16 anyos, kapitbahay.

Nailigtas naman ng walang sugat ang mga anak ni Tubania na isang taong gulang at tatlong taong gulang.

Sa report ni Police Senior Supt. Leon Victor Rosete, hepe ng Paranaque City Police, dakong 4:30 ng hapon kanina nang mang-hostage si Fernandez at pinagsasaksak ang mga kasama sa bahay.

Agad na nakatugon ang mga tauhan ng Paranaque PNP Special Weapons and Tactics (SWAT).

Pagdating ng mga otoridad, nakita na nilang duguan at nakabulagta ang tatlong sinaksak. Tangka pa umanong sasaksakin ang dalawang paslit kaya binaril na ito ng mga pulis.

Sa ngayon, hinihintay ng mga otoridad na bumuti ang kalagayan ni Tubania para malinawan ang nangyari habang nasa Peoples Funeral Hoes na ang bangkay ng suspek para sa otopsiya.

Hindi pa tiyak kung lasing o nakatira ng droga si Fernandez. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?