101
gun
By

Lalaki ‘tinokhang’ ng riding-in-tandem

Sharing is caring!

Isang bala ng baril ang itinanim sa leeg ng isang 54-anyos na lalaki ng mga hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga upang patahimikin matapos na ibalik sa Philippine National Police (PNP) ang ‘war on drugs’ sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/ Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktimang namatay noon din na si Basilio Ocfemia Abordo, may asawa, buko vendor, at residente ng No. 28 Geronimo St., Brgy. Sta Monica, Novaliches.

Sa inisyal na report ni PO3 Roldan V. Cornejo, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-10:55 ng gabi nitong Huwebes, sa harap ng bahay ng biktima.

Ayon sa nakasaksing kapitbahay ng biktima na nakilalang si Arnel Dalandanan, naka-istambay umano sa basketball court malapit sa bahay ni Abordo nang makarinig siya ng isang malakas na putok ng baril.

Agad niyang pinuntahan ang pinagmulan ng putok ng baril at doon ay nakita niya ang biktima na duguan nang nakabulagta habang papatakas naman ang dalawang lalaki na magka-angkas sa kulay itim na motorsiklo na walang plaka, kapwa nakasuot ng helmet at parehong nakasuot ng itim na jacket.

Nasamsam sa lugar ng krimen ang isang basyo ng hindi pa malamang kalibre ng baril at lighter na may naka-rolyong aluminum foil.

Hinihinala ng mga awtoridad na ang biktima ay posibleng drug user at itinumba ng binibilhan nito ng droga kaya pinatahimik.

Gayunman, masusing iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na pamamaril upang matunton ang mga salarin.

Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa PNP Crime Laboratory para maawtopsiya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?