126

Feb 6, 2018 @ 8:18
By

Lalaki, sugatan sa bad trip na pedicab driver

Sugatan ang isang lalaki nang saksakin ng basag na bote ng lasing na pedicab driver na kanyang pinagtanungan sa Brgy. San Isidro, Makati City, kamakalawa ng gabi.

Patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang biktimang si Herman Gaje, 23, isang helper, at residente ng Brgy. Pio del Pilar, matapos magtamo ng saksak na basag na bote sa bandang dibdib nito.

At sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Station Intelligence Unit (SIU) ng Makati City police, naaresto ang suspek na si Danilo Abonales, 48, at isang pedicab driver, na naninirahan din sa nasabing lugar.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-nuwebe ng gabi, nang maganap ang insidente sa Guatemala St., Brgy. San Isidro ng nasabing lungsod.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon, mayroon umanong pupuntahan sa nasabing lugar ang biktima at nakita niya ang suspek upang magtanong ito ngunit hindi nagustuhan ng lasing na suspek ang pagkakatanong sa kanya ni Gaje.

Dito na kumuha ng bote ang suspek at binasag ito sabay isinaksak sa dibdib ng biktima.

Agad namang isinugod ng mga bystander ang biktima sa nasabing pagamutan na kung saan patuloy pa rin nilalapatan ng lunas.

Lasing na lasing pa rin ang suspek nang arestuhin ng mga awtoridad at hindi ito makausap nang maayos.

Samantala nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide ang huli habang ito ay nakakulong sa detention cell ng Makati City police.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?