370

Dec 11, 2017 @ 18:32
By

Lalaki patay sa sariling itak

Isang lalaki na tangkang papatayin sana ang kanyang kapitbahay ang siyang natuluyan matapos na magawang maagaw ang bitbit na jungle bolo at sa kanya maitarak sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PC/Inps. Roden Santos Tejuco, ng Caloocan City Police, alas-kuwatro ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ni Joel Pastrana, 56-anyos, jeepney driver, sa Block 5, Recomvill IV, Barangay 188 ng nasabing lungsod.

Nasa loob ng kanilang bahay si Pastrana nang marinig niyang nagsisigaw sa labas si Danilo Tansip, 54, na kapitbahay niya, na pinagmumura siya at inutusang tanggalin ang pinapasada nitong jeep na madalas umanong iparada ng una sa tapat ng bahay ng huli.

Ngunit sa halip na humingi ng pasensiya at tanggalin na ang kanyang sasakyan ay hinayaan lang ni Pastrana na magtatalak si Tansip sa labas ng kanyang bahay.

Sandaling umalis si Tansip at ilang saglit lang ay bumalik ito na armado na ng isang jungle bolo at puwersahang pinasok ang bahay ni Pastrana.

Hinataw ni Tansip si Pastrana ng kanyang dalang itak ngunit masuwerteng nakailag ito at naagaw ang armas ng una saka inundayan ng saksak sa kanyang tiyan si Danilo na agarang ikinasawi nito.

Kusa namang nagtungo sa himpilan ng pulisya si Pastrana at isinuko ang sarili na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?