243

Nov 13, 2019 @ 14:55
By

Lalaki patay sa baril ng BFF

Patay ang isang lalaki matapos aksidenteng mabaril sa ulo ng kanyang matalik na kaibigan, Martes ng hapon sa Taytay, Rizal.

Dead on the spot ang biktimang si Leonardo Magpusao, nasa hustong gulang, matapos na tamaan ng bala sa ulo na mula sa nililinis na baril ng suspek na si Donhelle Camba, pawang residente ng Barangay Sta. Ana ng nasabing bayan.

Base sa ulat na ipinadala ng Police Regional Office 4-A sa Camp Crame, naganap ang insidente ala-1:30 ng hapon sa loob ng kuwarto ng magkaibigan.

Nabatid na natutulog sa kama ang biktima habang ang suspek naman ay nililinis ang kanyang hindi nabanggit na kalibre ng baril sa tabi nito.

Habang nililinis ay aksidente umanong nakalabit ng suspek ang gatilyo ng baril at tinamaan sa ulo ang natutulog na biktima dahilan ng agarang kamatayan nito.

Mismong ang suspek na rin ang tumawag sa himpilan ng pulisya at kusang-loob itong sumuko at isinurender ang baril na nakapatay sa kanyang kaibigan, na napag-alamang walang lisensya at kaukulang dokumento.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Taytay Municipal Police Station at sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?