130

Dec 21, 2017 @ 16:27
By

Lalaki patay matapos malunod sa ilog

Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos na malunod nang sumuong sa mataas na tubig at malakas pang agos ng ilog sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat nina PO2 Eugene Layaban at PO1 Ferdinand Martinez ng Navotas City Police Community Precinct IV, ganap umanong alas-singko ng hapon nangyari ang insidente sa bahagi ng Tullahan River na sakop ng Babanse Street, Kapitbahay, Barangay North Bay Boulevard ng nasabing lungsod.

Nakatanggap umano ng tawag mula sa ilang mga concerned citizen ang nasabing himpilan hinggil sa umano’y patay na lalaking nakalutang sa nasabing ilog na umano ay nalunod.

Agad namang rumesponde sa lugar ang pulisya at sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay wala namang kahit anong marka o physical evidences na nakita sa katawan ng biktima na makapagsasabing may nanakit dito o sinadya ang pagkamatay nito.

Nakasuot ng itim na sando at asul na short pants ang biktima na tinatayang nasa edad 35 hanggang 40, may maputi at makinis na balat at katamtamang pangangatawan.

Ilang mga residente rin sa lugar ang nakapagsabi na ilang oras din umano bago natagpuang patay ang biktima ay may nakakita pa umano ditong may hawak na mahabang panungkit na pakiwari nila ay may aabutin sa tubig.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Eusebio Funeral Homes ang biktima na nakatakdang sumailalim sa awtopsiya upang masiguro ang talagang dahilan ng kanyang pagkasawi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?