116

Mar 13, 2019 @ 14:55
By

Lalaki nakiusyoso sa lamay, pinatay

Tinaniman ng bala sa ulo at katawan ang isang hindi pa nakikilalang lalaki habang nag-uusyoso sa mga nagsusugal sa lamayan sa Quezon City.

Inilarawan ni Police Insp. Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na nasa edad-25-30, may taas na 5’4”, fair complexion, payat, nakasuot ng asul na t-shirt at itim at dilaw na short pants.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Julius Vinasoy, ng CIDU-QCPD, nangyari ang pamamaril dakong alas-9:45 ng gabi ng Marso 12 sa harapan ng bahay sa No. 22 Katuparan St., kanto ng Kalusugan St., Brgy. Batasan Hills, QC.

Ayon sa pahayag ni Marife dela Cruz, purok leader sa nasabing barangay, papaalis na umano siya sa kanilang tahanan para mag-duty nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril.

Agad umano siyang lumabas ng kaniyang tahanan at doon ay nakita niya ang duguang biktima.

Sinabi ng imbestigador na tila galit na galit ang hindi pa nakilalang suspek sa biktima dahil matapos itong pagbabarilin sa katawan ay tinarget pa ito sa ulo upang masigurong patay ang kaniyang pakay na itumba.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naganap na pamamaslang.

Nasamsam ng SOCO sa crime scene ang limang basyo ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril, metallic fragment at metallic jacket.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?