98

Jan 2, 2018 @ 14:40
By

Lalaki na nakasugat ng 2 bagets sa pamamaril, kalaboso na

Nasa kustodiya na ng Caloocan City Police kamakalawa ng gabi ang lalaking umano ay nagpaputok ng baril matapos na mapaaway kung saan tinamaan ng bala ang dalawang batang lalaki’t babae na naglalaro lang sa selebrasyon ng Bagong Taon sa Caloocan City.

Aminado ang suspek na si Isagani Ancheta, 38, na lasing siya nang makaalitan ang isang Gil Calupaz na nakikipag-inuman sa kahabaan ng Sawata Street, Barangay 35, Maypajo, inakala umano niya kasing hoholdapin siya ng huli at mga kasama nito kaya nagpaputok siya ng sunod-sunod dito.

Dahil lasing umano siya ay kung saan -saan na lang napunta ang bala na tumama na pala sa direksyion na kinaroroonan ng dalawang biktimang sina Joven Earl Gaces at Princess Denise Cruzat, pawang 10-anyos, at parehong taga-Block 3, Sawata, Barangay 35.

Inoperahan si Gaces sa Jose Reyes Memorial and Medical Hospital dahil sa bala na tumama sa kanyang braso na sa kasamaang-palad ay tumagos sa kanyang katawan at ikinapinsala ng kanyang atay kaya’t isasailalim na muli siya sa isang operasyon, may butas ding nakita sa kanyang diaphragm.

Sa Tondo General Hospital naman isinugod si Cruzat na tinamaan ng bala sa kanyang katawan at kasalukuyang inoobserbahan ang kalagayan sa ngayon.

Napaiyak sa pagsisisi at hindi maidilat ang kanyang mga mata ni Ancheta dahil sa pamamaga nang bugbugin ng taumbayan.

Narekober sa kanya ang ‘di pa batid na kalibre ng baril na halatang sapilitang binura ang serial number.

Unang sinabi ni Ancheta na hiniram lang umano niya ang baril sa kabarkada at gagamiting proteksiyon sa sarili ngunit bandang huli ay hindi na niya alam kung saan ito nanggaling. Nakatakdang dalhin ang baril sa PNP Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic examination. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?