121

Oct 25, 2017 @ 13:57

Lalaki kulong sa pagiging maangas

Kulong ang isang maangas na lalaki matapos manigaw at murahin ang dalawang barangay tanod nang sitahin ang una sa pagkakabangga ng poste ng barangay, Martes ng gabi sa Marikina City.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal at unjust vexation ang suspek na si Michael Angelito Romano, 39-anyos at residente ng Champaca 2 , Marikina City.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang 9:45 kamakalawa ng gabi malapit sa Barangay Fortune Hall, Champaca 1.

Ayon sa mga biktima na sina Danilo Gamban at Rodel Mendoza, kapwa barangay tanod ng Barangay Fortune, masyado silang nilait at inangasan ng suspek makaraang sitahin nila si Romano nang mabangga nito ang isang poste ng barangay hall sakay ng kanyang motorsiklo.

“Siya na nga po ang nakabangga siya pa ang galit, ” ayon kay Mendoza.

Dagdag pa nito, sinigawan daw sila ng suspek at tinakot na sinabing ” P@$!?!! Hindi mo ako kilala. Puwede kita ipatumba, pwede kita ipatira”.

Namuo ang tensyon sa labas ng barangay hall dahil sa paninigaw at pananakot ng suspek kaya agad na nila itong inaresto at dinala sa Marikina police station para sampahan ng kaso. Vick Aquino

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?