187

Nov 1, 2017 @ 17:26

Lalaki itinumba ng ‘riding-in-tandem’ sa harap ng GF

Matinding trauma ang inabot ng isang babae matapos na patayin sa mismong harapan niya ang kanyang kasintahan ng dalawang mga kalalakihang lulan ng iisang motorsiklo sa Lungsod ng Caloocan Martes ng gabi.

Sa ulat ng Caloocan North Extension Office – Homicide Unit ay ganap umanong alas – 11:00 pasado ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 6, Package IV, Barangay 178, Camarin ng nasabing lungsod.

Ayon kay Barangay 178 Desk Officer Rodel Maquirang, lulan ng kanyang tricycle na pinasada ang biktimang si Jay Jimeno, 42 anyos, kasama ang kanyang kasintahan nang mangyari ang insidente.

Habang binabagtas ang kahabaan ng Phase 6 sa tapat mismo ng SMMI Green Valley, bigla na lamang umanong hinarang sila ng dalawang kalalakihang lulan ng iisang motorsiklo na nakasuot helmet at face mask.

Bumaba ang ang isa suspek at biglang binaril sa ulo at katawan ang biktima. Ang nobya naman ay natulala na lamang sa pangyayari.

Humarurot ang mga salarin matapos ang insidente at ngayon patuloy na tinutugis ng mga pulis.

Sabi na mga kaanak ng biktima, walang bisyo at hindi nasasangkot sa gulo si Jay.

Hinala naman ng mga pulis, maaring may personal itong nakaalatin na siyang dahilan ng pamamaslang. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?