59
jailed1
By

Lalaki huli sa pagnanakaw ng mamahaling alak

Arestado ang isang 28-anyos na lalaki matapos mabuking sa pagnanakaw ng mga mamahaling alak na Jack Daniels at Jägermeister sa loob ng supermarket sa Pasig City, Biyernes ng hapon.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Tamir Gutierrez y Ignacio, 28-anyos, na nahaharap sa kasong theft (Shoplifting) matapos ireklamo ni Joey Media y Catajay, 41-anyos, security supervisor ng Metro Retail Store Group Inc.

Inaresto ang suspek bandang 4:00 Biyernes ng hapon sa loob ng Metro Supermarket na matatagpuan sa Ayala Feliz Mall, Amang Rodriguez corner, Marcos Highway, Barangay Dela Paz, Pasig City.

Ayon sa salaysay ng security guard na si Anselmo Emperado, naka-duty siya sa mga oras na iyon at napansin ang kahina-hinalang kilos ng suspek at kanya na itong palihim na sinundan hanggang sa makita niya na nagpunta ang suspek sa wine section.

Naaktuhan niyang isinisilid sa loob ng kanyang dalang back pack ang tatlong bote ng Jack Daniels at isang bote ng Jägermeister liquors.

Papalabas na ang suspek nang agad niya itong sinita at kinapkapan ang bag na kung saan ay tumambad sa kanya ang apat na bote ng mga mamahaling alak.

Hinanapan ng resibo ang suspek subalit wala itong maipakita kaya agad na dinampot ang suspek at dinala sa admin office saka dinala sa Pasig Police.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell habang hinihintay ang pagdinig sa kasong theft laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?