72

May 6, 2019 @ 16:04
By

Lalaki huli sa marijuana sa LRT-2

Nabigong maipuslit ng isang pasahero sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang dalang marijuana matapos na makapkapan ng mga guwardiya sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si Joseph Regaro, 21, ng Brgy. 116, Pasay City.

Sa ulat ng Cubao Police Station 7, dakong alas-2:18 ng hapon ng Mayo 5 nang maaresto ang suspek sa south entrance gate ng LRT-2 Gateway Station sa Cubao, Linggo ng hapon.

Papasok sana sa tren ang suspek ngunit nakumpiskahan ng security guard na si Roberto Hagoot ng isang ziplock plastic na may lamang mga pinatuyong dahon ng marijuana, na nakasilid sa bulsa ng kanyang sweat shirt, sa isinagawang routine inspection.

Agad namang inaresto ng mga naka-duty na pulis ang suspek at dinala sa presinto para idetine at sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?