99

May 11, 2019 @ 14:40
By ,

Lakers tuloy sa paghahanap ng bagong coach

Hindi na nakmukmok ang Los Angeles Lakers matapos silang tablahin ni Tyron Lue at agarang bumalik sa paghahanap ng coach na mangunguna sa kanilang kampanya sa susunod na season.

Ayon sa balita ng Associated Press (AP), isang hindi nagpakilalang source ang nagbunyag na isasalang ng Lakers sa isang interview ang dating Indiana Pacers at Orlando Magic head coach Frank Vogel at lumipad na ito patungong Los Angeles noong Huwebes (Biyernes sa Pilipinas).

Nagtrabaho sa isang organisasyon ang 45-year old na si Vogel bago mag-advance scout noong 2005-2006 season habang wala naman itong hinawakang tropa noong nakaraang season matapos ang dalawang taon nito sa Magic.

Nakatungtong din ito sa Eastern Conference Finals ng dalawang beses, noong 2013 at 2014 sa ilalim ng Pacers pero pareho itong natalo kontra sa Miami Heat ni LeBron James.

Ikalimang coach na si Vogel na sumalang sa interview ng Lakers bilang bahagi ng paghahanap ng coach ng tropa mula nang sibakin nito si Luke Walton noong Abril 12.

Kabilang sa kanilang nakausap ay sina Monty Williams, na kinuha ng Phoenix Suns, Juwan Howard at Jason Kidd.

Bukod sa Lakers owner na Jeanie Bus at general manager na si Rob Pelinka, inaasahan din na makakausap ni Vogel si Jesse Buss (Director of Scouting), Joey Buss (President of Lakers’ G-League team) maging si senior adviser Kurt Rambis, chief operating officer Tim Harris at director of special projects Linda Rambis.

Sa anim na sunod na seasons bigong makalusot sa playoffs ang Lakers at inaasahan sanang matapos ang playoff drought sa pagpasok nina James, Lonzo Ball at Brandon Ingram sa tropa pero sunod-sunod naman itong nagka-injury kaya natapos sa 37-45 ang kampanya nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?